|  | 

Headlines

10 gusali, inireklamo ng CBAO dahil walang parking area

LUNGSOD NG BAGUIO – Inisyuhan ng abiso sa paglabag mula sa City Buildings and Architecture Office (CBAO) ang 10 kompanyang namamalakad sa mga gusali sa central business district na nag-uutos na ibalik ng mga ito ang parking spaces sa kanilang gusali na ginawa nilang commercial spaces.

Iniulat ni architect Arsenio Glen Martin Rillera ng CBAO sa city council na ang mga may-ari ng gusali ay nabigyan ng panahon upang maibalik ang kanilang parking spaces. Aniya, kapag nabigo ang mga ito na sumunod ay mapipilitan ang kanilang tanggapan na tuluyang ipasara ang mga gusali.

Kabilang sa mga nakitang lumabag ay Abanao Square, John Co building, Ang building sa Session Road, Sky World condominium, AYK building, Otek Commercial Center, Tiong San, Balisong Calde building, Palangdao building at Jollibee Harrison.

Nauna rito ay binigyan ni Mayor Mauricio G. Domogan ang mga may-ari ng gusali ng ilang buwan upang ibalik ang kanilang parking spaces na ginamit nila bilang commercial spaces upang makatulong na matugunan ang problema sa masikip na trapiko sa lungsod na pinalala ng kakulangan ng paradahan ng mga sasakyan sa central business district.

Sa ilalim ng National Building Code ay nakasaad na ang mga may-ari ng gusali ay dapat na maglaan ng espasyo na pagpaparadahan ng kanilang mga kliyente o kustomer na may sasakyan.

Siniguro ni Rillera na gagawin ng CBAO ang mga nararapat na hakbang kontra sa mga may-ari ng gusali na tatangging sumunod sa batas.

Aniya, ilan sa mga nabigyan ng abiso ay humiling sa CBAO ng panahon upang makasunod sa direktiba habang ang ibang may-ari ay nagsimula nang ibalik ang dati nilang parking spaces.

Dagdag pa ni Rillera, kapag natapos ang inspeksyon sa central business district ay mag-iikot sa buong lungsod ang CBAO upang suriin ang mga gusali at istruktura na nabigyan ng mga building permit kaugnay ng kanilang pagtupad sa pagkakaroon ng parking area.

Maliban sa pagbawi sa kanilang building at occupancy permit, ang mga may-ari na nag-convert ng kanilang parking spaces sa commercial spaces ay haharap sa pagpapasara sa kanilang mga gusali hanggang sa makasunod sila sa direktiba ng CBAO. PIO / ABN

ABOUT THE AUTHOR