|  | 

Metro Baguio

Paggamit ng espasyo para sa PWD-senior citizen, paparusahan

Inaprubahan ng city council ang ordinansa na nagpaparusa sa sinumang magpapanggap upang makagamit ng pasilidad na nakalaan para sa persons with disabilities (PWDs) at senior citizens sa mga pribado at pampublikong establisimyento sa lungsod.

Sa ordinansang iniakda ni Councilor Leandro B. Yangot Jr. ay nakasaad na ang pagpapanggap o pagkukunwari bilang isang PWD o senior citizen sa pamamagitan ng paggamit ng mga nakareserbang espasyo para sa kanila ay isang paglabag sa batas.
Ang mga mahuhuli sa ganitong paglabag ay pagmumultahin ng P2,000 sa unang opensa, P3,000 sa ikalawa, at P5,000 sa ikatlong opensa.

Inatasan ang Public Order and Safety Division (POSD) mula sa City Mayor’s Office na bumuo ng hotline upang tumanggap ng mga reklamo at ulat ng paglabag sa naturang ordinansa.

Ang POSD, Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA), at iba pang kinauukulang ahensya ang bubuo ng kinakailangang patakaran at regulasyon para sa ordinansa.

Sa ilalim ng Batas Pambansa (BP) Bilang 344 (Accessibility Law) ay inuutusan ang may-ari ng mga gusali, institusyon, establisimyento at mga gamit na pampubliko na maglaan ng pasilidad para sa paggamit ng mga may kapansanan at senior citizens.

Ang Republic Act (RA) 9994 (Expanded Senior citizens Act) naman ay nagsasaad ng karagdagang pribilehiyo para sa senior citizens sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng prayoridad at espasyo sa mga establisimyento at pampublikong transportasyon.

Ani Yangot, may mga pagkakataon na sinasadya at sinasamantala ng ibang tao kahit walang kapansanan o hindi naman senior citizen ang paggamit ng mga naturang espasyo kaya dapat siguruhin ng gobyerno na mahigpit na ipatupad ang batas.

Ang naturang ordinansa ay ipinasa ng konseho sa kinauukulang komite upang lalo pang mapag-aralan. PIO / ABN

ABOUT THE AUTHOR