Breaking News
     |  | 

    Editorial

    Ang magandang aral at epekto na hatid ng SALN

    img-responsive

    Ang Statement  of Assets, Liabilities and Networth o SALN ay isang rikisitong dokumento na mahigpit na hinihingi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at gobyerno maging ng mga ahensiya at opisina na humihiling nito ayon sa batas sa mga negosyante, kompanya at mga opisyal at kawani ng gobyerno at mga mambabatas.

    Marami na ang napahamak, nakasuhan at napiit dahil sa pagretoke o hindi pagpipila ng kanilang tamang SALN. Ginamit ang SALN sa kontrobersiyal  at masalimuot na pagpapatalsik (impeachment) kay dating  Punong Mahistrado ng Korte Suprema na si Renato Corona noong 2012. Marami ang naniniwalang politika ang dahilan sa pagpapatalsik kay Corona dahil sa kaniyang matatag na paninindigan at hindi pagpanig sa noo’y maimpluwensiya at dominanteng administrasyon.

    Ang ikot ng kapalaran ay paulit-ulit lang dahil ang kasalukuyang Punong Mahistradong si Maria Lourdes Sereno (na itinilaga ni dating pangulong Noynoy Aquino) ay nahaharap na mapatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng Quo Warranto at impeachment trial sa Senado. Noong Lunes, Abril 10 ay isinagawa ang “oral arguments” ng mga mahistradong Korte Suprema sa Lungsod ng Baguio hinggil  sa quo warranto na ipinila ni Solicitor General Jose Calida – isang paraan upang direktang malitis ng kapuwa mahistrado si Sereno at maalis sa puwesto at hindi na hahantong sa impeachment trial sa Senado. Inaaasahan na tatlo lamang na mahistrado ang boboto pabor kay Sereno na mga itinalaga ni Aquino.

    Ang Punong Mahistrado (Chief Justice) ay isang makapangyarihang posisyon sa gobyerno at bawat pangulong nahahalal ay minimithing sila ang magtalaga nito kung hindi man karamihan ng mahistrado – isang hakbang upang lubos ang impluwensiya at kapangyarihan ng nakaupong administrasyon o kaya’y kahit di na ito nakaupo hangga’t nasa posisyon pa rin ang kanilang itinalaga.

    Walang duda na malaki ang epekto ng SALN dahil sa pamamagitan nito ay maaaring mabago ang sitwasyon ng pamamahala sa gobyerno at mapuwersa ang mga kinauukulang magsumite ng tamang SALN at sa tulong nito idagdag pa ang mas maraming kapanalig na mambabatas at miyembro ng hudikatura ay mas lamang na maisusulong ang nais ng administrasyon.

    Sana ay malutas ang gusot sa tinitingalang huling moog ng katarungan (Korte Suprema) na naayon sa batas at saligang batas, konsensiya (kung mayroon) at huwag na sanang umusbong pa ang kultura ng paghihiganti na siyang isang ugat ng pagkakawatak-watak at pagkabaha-bahagi.                                    PMCJr.

    ABOUT THE AUTHOR

    <