|  | 

Metro Baguio

6 Baguio students, wagi sa olympiad sa S. Korea

Anim na estudyante mula sa lungsod ang dapat ipagmalaki ng pamahalaan dahil sa kanilang pagkapanalo sa 2017 Global Youth Forum and Academic Olympiad na ginanap noong Hunyo 12-16 sa Mungyeong, South Korea.

Bitbit ang mga tropeo at cash prize na $1,500 ng mga estudyanteng sina Chloe Rosette Angluben, Veronica Liu, Andrhea Gaerlan San Gabriel, Gabrielle Berne Padaco, David Adrian Paddit at John Michael Fangonilo, na pawang estudyante sa siyudad ng Baguio.

Sa edad na 15 at 16, mula sa kanilang mga angking talino ay nasagot nila ang mga pangunahing problema ng Pilipinas o maging ng ibang bansa at mga usapin sa mga akademiya.

Bagaman walang suporta mula sa kanilang paaralan o ng pamahalaan, ay lakas loob na lumahok ang mga kabataang ito sa kani-kanilang gastusin para maging kinatawan ng Pilipinas at ipaglaban ang kanilang angking kaalaman.

Ang grupo ay tinawag na Team Elatus, ay naging katunggali ang 11 pang kalahok sa kompetisyon mula sa bansang USA, South Korea, Germany, India, Indonesia, Singapore at Taiwan.

Bukod sa husay sa pakikipagtalastasan, ibinahagi rin nila ang kanilang talino. Bawat isa sa kanila ay sumailalim sa kanya-kanyang paligsahan sa subject na English, Mathematics, Science at iba pa.

Bukod dito, ay nagbahagi rin sila ng isang cultural presentation at sa kabuuan ng kompetisyon ay sila ang gawaran ng grand award.

Si Chloe Rosette Angluben ay kinilala sa husay nito sa Science, Mathematics, English essay samantalang si Veronica, ay sa English Essay at Science; Andrhea sa Mathematics at English Essay; David sa English Essay; Padaco sa Science; at John sa Science. Ang grupo ay indibidwal na tumanggap ng Grand Award sa Academic Achievement and Exemplary Performance award.

Ayon kay Angluben, hindi biro ang kanilang paglahok at paghahanda sa kompetisyon. “We practiced day and night for almost a month to get our lines perfect and timing perfect intonations and aside for that for the forum, we have to review for the individual competition for the olympiad.”

Anila, malaking bagay ang pagkapanalo lalo na’t gusto nilang patunayan sa mundo ang husay ng mga Pilipino, sa kabila ng mga kinakaharap na problema. Plano rin ng kabataang ito na magsama-sama muli para lumahok sa kompetisyon sa susunod na taon. ZALDY COMANDA / ABN

ABOUT THE AUTHOR