|  | 

Headlines

5 lalaki kalaboso dahil sa illegal na droga

LUNGSOD NG BAGUIO – Sa kabila ng sinasabing kakulangan ng tauhan ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) ay magkakasunod ang mga nahuling pusher ng illegal na droga sa lungsod at bayan ng La Trinidad.

Limang lalaki ang pansamantalang nakakulong ngayon sa piitan ng PDEA-Cordillera habang inihahanda ng ahensiya ang kasong kriminal na isamsampa laban sa kanila.

Ang mga kalalakihan ay hinuli sa tatlong magkakahiwalay na buy-bust operation na isinagawa ng PDEA sa lungsod at La Trinidad sa probinsya ng Benguet noong nakaraang linggo.

Sa report ng ahensya, ang mga nahuli ay sina Jhaniel Dale Foronda, 25; Rodolf John “Rj” Carandang, 22; Joshua Aluyen “Pidot” Alsisto, 24; Jan Michael de Guzman Kenneth alias JM de Guzman, 31; at Milo Dayao “Pangkis” Fernando, 45 anyos.

Sina Foronda at Carandang ay magkasamang hinuli ng anti-narcotic agents sa kalye ng Happy Glenn Loop, Barangay Salud Mitra, lungsod ng Baguio, sa aktong pagbebenta ng dalawang malalaking sachet ng marijuana stalks sa tauhan ng PDEA na nagpanggap na bibili.Makalipas lamang ang isang oras ay nahuli rin sina Alsisto at Kenneth sa isa pang buy-bust operation sa parehong barangay. Nakuha mula sa dalawa ang isang heat sealed plastic sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu. Maliban sa buy-bust money ay nakuha rin mula sa dalawang suspect ang isang timbangan at dalawang cellphone na ginamit sa transaction.

Samantala, si Fernando na isang kargador ng gulay sa La Trinidad, Benguet ay mag-isa nang nahuli ng pinagsanib na tauhan ng PDEA Region 1 at Cordillera sa naturang bayan. Nakuha mula sa kanya and nasa 17 na plastic sachets na hinihinala ring naglalaman ng shabu.

Ayon pa rin sa report ng ahensiya, aabot sa P6,000 ang halaga ng naturang illegal na droga.

Nauna nang sinabi ni PDEA-CAR information officer Joseph Calulut na kulang sila sa tao para bantayan ang rehiyon mula sa ipinagbabawal na gamot pero, aniya ay hindi ito sapat na dahilan para hindi nila magawa ang kanilang trabaho lalo pa’t sila ngayon ang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na manguna sa kampanya laban sa illegal na droga.

Ang mga suspect ay maaaring makulong ng panghabang-buhay kapag sila ay napatunayang lumabag sa Republic Act Number 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”. DIONISIO DENNIS JR.

ABOUT THE AUTHOR